COVER STORY

Ang pagliligtas sa mga labi ng Ayta Magbukun

Sa mahigit isang daan at tatlumpung wikang ginagamit dito sa Pilipinas, halos isang kapat (1/4) nito ang nanganganib mawala. At maaaring may solusyon ang isang barangay sa Bataan sa suliraning ito.

Ayta-Magbukun_5_CNNPH.jpg Ang barangay hall ng Bangkal, Bataan.  

Abucay, Bataan (CNN Philippines) — Maulan at tahimik sa kabundukan. Maputik ang daan, pero nilalakad pa rin ito ng mga estudyanteng naka-tsinelas at papunta pa lang sa klase.

Mistulang nakatago ang barangay hall ng Brgy. Bangkal sa pasikut-sikot na kalsada ng bundok na ito. Bago marating ang paaralan, dadaanan nila ang barangay hall kung saan nagtitipun-tipon ang kanilang mga apu (nakatatanda).

Nagtungo dito ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) noong Agosto 16 upang makipag-usap sa kapitan, at pulungin ang mga apu para sa pinaplano nilang proyekto: ang kauna-unahang 'bahay-wika' sa Pilipinas na naglalayong iligtas ang wikang Ayta Magbukun.

Nilingon ng mga apu ang mga estudyanteng Ayta, na nakikipag-usap sa kapwa nilang Ayta sa wikang Tagalog.

"Magbuhat nang isilang kami, naririnig namin sa magulang namin ang wikang Magbukun, kaya 'yun na ang nakamulatan namin," ani Rosita Sison, ang kinikilalang puun (tribal chieftain) ng pangkat.

Sa edad na 58, siya ang namuno sa mga kapwa apu mula 2000, at naging isa sa 14 na kasangguni sa desisyon upang buhayin muli ang wika nila.

Minsan, naririnig ng mga apu sa mga anak nila at apo na "pangit" umano gamitin ang wikang Magbukun.

"Pag umuuwi kami ng bayan, sasabihin ng mga katulad niyo, mga taga-bayan, ay o, mga ninang mo no, 'yung mga kamag-anak mo. Yung bang parang, iniinsulto nila kami. 'Nauwi ika 'yung mga Aeta o? Nauwi dahil ika sa ulan. Siguro ginutom, ganoon,' sabi ni Sison.

Sabi ni Rebecca Reyes, Tribal Affairs Assistant ng National Commission of Indigenous Peoples sa Bataan, ay natutunan "sa mga kalaro siguro" ang pagturing nila sa wikang ito.

Ayta-Magbukun_4_CNNPH.jpg "Ang wika paglabas ng damdamin. Paglabas ng puso, at paglabas ng iyong kabuuang pagkatao," ani Rebecca Reyes.  

Dagdag niya, maraming panlabas na kadahilanan ang maaaring naka-apekto sa paggamit sa Magbukun ng mga mas batang Ayta.

"Impluwensya ng mga ka-eskwela nila, siyempre mga Tagalog ang salita nila, impluwensya din ng mga kaibigan, ng midya, ng social media. Siyempre kung mawawala man ang salita namin, wala na kaming identity," she said.

Isang pag-aaral noong 2003 mula sa Summer Institute of Linguistics ang nagsasabing tatlumpu sa mga tinaguriang wikang Negrito — o wika ng mga Ayta at Agta ng Central Luzon — ay nanganganib mamatay.

Ayon sa pagsasaliksik ni Thomas Headland, dalawa ang pangunahing dahilan sa pagkamatay ng wika. Ang una ay ethnocide, o ang pagpatay sa katutubong kultura.  Ang ikalawa ay linguistic genocide o linguicide kung saan pinaparusahan ang mga gumagamit sa katutubong wika.

Binanggit din ang kaso ng Casiguran Agta sa Aurora, Cordillera Region. Sabi ni Headland, dahil sa paghahalo ng pagsasalita ng Ilokano at Tagalog sa wikang Casiguran Agta, may umuusbong na ibang sistema na pananalita.

Ani Dr. Sheilee Vega ng KWF, ganito rin ang sitwasyon sa mga Agta sa Quirino.

"Ang speaker niya ay 11 elders, so may posibilidad na paglipas pa ng mga ilang taon, kunyari mga 10 taon, 'yung 11 elders na 'yun ay syempre, unti-unti na ring [mawawala]," sabi ni Vega.

Kasama ang mga apu, tinatayo ng dalawang tao sa KWF ang 'bahay-wika' sa Bangkal. Nangunguna sa pagbuo nito si Jeslie O. Del Ayre, ang nagpanukala, at si Dr. Vega, ang puno ng Sangay ng Salita at Gramatika ng komisyon.

Ibinalangkas ang 'bahay-wika' sa mga tinaguriang language nest programs sa ibang bansa, sabi ni Vega. Sa Australia, limang taon na ang kanilang programa para sa pagtuturo ng katutubong wikang Miriwoong. Samantala, may kahalintulad na programa sa New Zealand, ang Te Kōhanga Reo kung saan direktang isinasalin ng pariralang language nest ang pagkukusa ng mga katutubong Māori para sa mabigyan-buhay muli ang wika.

Dagdag niya, tutulong sa programang ito ang Mother tongue-based multilingual education ng DepEd.

Katuwang ng KWF at ng mga apu ang NCIP, ang National Commission for Culture and Arts, ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), at ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD), pati na rin ang pamahalaang lokal ng probinsya. 

Sa sistemang ito, tuturuan ng mga boluntaryo ang mga batang dalawa hanggang apat na gulang, gamit ang balangkas na pagkakasunduan ng mga apu. Kasama dito ang isang feeding program para sa mga bata at sa kani-kanilang mga magulang.

Ngunit dahil malakas ang buhos ng ulan sa buwan ng Agosto dala na rin ng hanging Habagat, nalipat sa Setyembre ang simula ng klase.

"Dahil sa masamang panahon, na-delay ang konstruksyon," sabi ni Vega.

Nasa ₱2.046 milyon na ang nagastos sa programa noong 2017, ayon sa datos mula sa website ng KWF. Ang konstruksyon ng bahay-wika, na malapit lang sa barangay hall, ay tinatayang nasa ₱1.9 milyon ang gastos.

Ngunit sabi ni Vega, hindi sapat ang dalawang taon na nakalaan sa proyektong ito.

"Ang gusto nating mangyari, pagkatapos ng bahay-wika, ang papapasukan pa rin ng bata na iskul, ang pagtuturo ay nasa wikang Magbukun pa rin," sabi niya.

Linguistic-Atlas-08272015_CNNPH.jpg Noong 2015, natuklasang may 135 iba't ibang wika sa Pilipinas, pero bumaba ito sa 131 noon 2017.  

Ayon sa mga dalubwika (linguist), may pangkabuhayan at politikal na basehan ang pagkamatay ng isang wika.

Sabi ni Mr. Francisco Rosario, isang propesor sa linggwistiks sa Unibersidad ng Pilipinas, ang diskriminasyon at ang kakulangan ng edukasyon ang ilan sa mga pangunahing balakid sa pagbuhay ng isang wika.

"Mas pinipili na lang ng mga speaker na gamitin 'yung ibang language, na i-abandon 'yung language nila at gamitin na lang 'yung language na mas dominante, mas prestigious, mas economically beneficial para sa kanila,"

Sabi ni Rosario, mas mainam kung magkakaroon ng ideolohiyang pluralistiko pagdating sa pagpapahalaga sa wika, tulad ng suporta ng pamahalaan.

Ayon naman kay Dr. Ricardo Nolasco, isa ring dalubwika, bumabalik sa isyu ng lupa ang pagkawala ng lengguwahe.

"Marami doon sa mga Aeta communities ay deprived of a homeland [tinanggalan ng lupang tinubuan], mamamatay talaga ang wika mo," sabi ni Nolasco.

Kamakailan, naging isyu ang ika-30 Southeast Asian Games dahil sa posibilidad na  mapaalis ang Aeta group sa Subic sa kanilang mga lupang ninuno, para magbigay-daan sa itinatayong New Clark City at sports complex para sa palaro.

"Na-echapwera sila sa lipunang Pilipino. Anong chances nila sa language revitalization?" sabi ni Nolasco. "Wala silang teritoryo, wala silang kapangyarihang pang-ekonomiya, wala silang kapangyarihan pampulitika. Nilalamon sila ng katabing kultura at katabing wika."

Ang tanging paraan para mabigyan ng buhay muli, ani Nolasco, ay bigyan ng kapangyarihang pangkabuhayan, pang-kultura, at pam-pulitika ang mga pangkat Aeta.

"Hindi pwedeng mabuhay ang isang wika pag walang lupang tinubuan," sabi niya.

Ayta-Magbukun_3_CNNPH.jpg Si Rosita Sison ang namumuno sa grupo ng mga nakakatandang nagnanais buhayin muli ang Ayta Magbukun.  

Ani Nanay Rosita, tila di natatapos ang pakikibaka ng kanilang pangkat laban sa pang-aalipusta.

"Kung tatanungin mo ako, baka abutin tayo nang maghapon sa experience ko bilang ako'y lider," tugon niya.

Noong hapon din na 'yun, pinag-usapan din ng KWF at ng mga volunteer na guro ang unang bahagi ng kurikulum para sa 'bahay-wika.'

May labing-dalawa pang pamayanan sa buong Bataan kung saan ginagamit ang Ayta Magbukun. Ngunit habang nababawasan ang mga gumagamit nito, unti-unting nababaon sa pagkalimot ang kanilang mga nalalabing salita.

Sa gitna nito, hindi patitinag si Sison at ang kanyang mga nasasakupan.

"Hindi kami paaapekto sa kanila, kasi ang inaano namin, gusto namin na ang aming mga kabataan ay maging preserba at matutunan nila ang aming wikang Ayta Magbukun," sabi niya.