ARTS

Artist Chesleigh Nofiel on recognizing the queerness of nature

enablePagination: false
maxItemsPerPage: 10
totalITemsFound:
maxPaginationLinks: 10
maxPossiblePages:
startIndex:
endIndex:

Known for his vivid illustrations of Philippine flora and fauna, this young artist turns to rituals to confront his identity and trauma. Photo courtesy of CHESLEIGH NOFIEL

In August, artist Chesleigh Nofiel got his first tattoo. He had the fang-shaped flowers of the endemic jade vine (Strongylodon macrobotrys) or tayabak, which in real life flaunt a vibrant turquoise, inked on his neck. The placement of the tattoo isn’t because of vanity. For the artist, this is an act of care.

“Ang sagradong pagtatu ng tayabak ay sumisimbolo sa muling pagbukas ng daluyan ng chakra sa lalamunan ko,” he explains. “Ginawa ko ito bilang rite of passage na ritwal sa pagbawi ng awtonomiya at katawan ko. Noon kasi ay tikom lang ako palagi at nagsusugpo ng saloobin.”

During this time of a global pandemic, Nofiel, whose works have been exhibited at Galerie Stephanie as well as the Filipinianas of Vinta Gallery, has turned much of his energy to healing and taking care of himself through rituals.

Getting a tattoo is just one of the rituals that Nofiel has performed since April last year. Like his vivid illustrations of flora and fauna, these rituals involve a return to nature.

Nofiel wanted to have this interview, which in the end was conducted via email, in Arroceros Forest Park. Hailed as Manila’s last lung, Arroceros served as a venue for his ritwal ng pananambal. Here, Nofiel made an offering to the diwatas of the forest, mimicked the movements of birds, and performed acupuncture on the image of his younger self.

Like his tattoo, “sa sining ng acupuncture, binuksan ko ‘yung daluyan ng enerhiya sa katawan ko at binuhusan ng tubig na galing sa nanay ko, para linisin nang may basbas at pagmamahal ang katawan ng inner-child ko,” he says. “[Sa huli, ipinaranas ko] sa [aking] inner-child ang reparenting na ninais ko, sa pakikinig ng mga apirmasyon mula sa mga kaibigan at sarili ko na mas maaalam at equipped na sa pagpapalaki ng isang kayumangging bakla. Ako na rin ang sarili kong magulang.”

For him, taking care of himself by way of these rituals is also a form of art.

In this interview, Nofiel talks about the presence of native flora and fauna in his art, confronting his trauma, and the importance of rituals to his healing process.

Studies from Nofiel's archive made in preparation for his ritwal ng pananambal. Photo courtesy of CHESLEIGH NOFIEL

Noong nagsisimula ka pa lamang, malaki na ang ginagampanang role ng mga katutubong halaman sa iyong sining. Pwede mo bang ikwento kung ano ang humalina sa'yo para ituon ang atensyon mo rito?

Bata pa lang ako, napaglinang ko na talaga ‘yung pag-uugali na kumonekta sa buhay. Kalaro ko noon sa lutu-lutuan ‘yung mga halaman sa labas ng bahay namin, sinasamahan ako ng lola ko na pumitas ng mga bulaklak ng pasaw pagkatapos maglaro ng basketbol, at tuwing Sabado naman ay panay ang bisita ko noon sa Manila Zoo kasama ang lolo ko.

2017 lang noong mas namulat pa ako sa mga espesye na katutubo talaga sa Pilipinas. Isa na rin sa nag-udyok sa ‘kin noon para laliman pa at bigyan pa sila ng pansin dahil hinahanap ko rin ang sarili kong pagkakakilanlan bilang isang bakla. ‘Yung hindi superficial at hindi malakolonyal na natabunan ng higit tatlong siglo ng kultural na gahum at ecocide.

Ano ang paborito mong halaman?

Lahat ng katutubong orkid! Bukod sa isa sila sa apat na pamilya ng pinakamaraming halaman sa bansa natin, queer din sila tulad ko, at nakakapanghalina talaga ‘yung buong parte nila mula sa porma ng katawan, mga dahon, pagkakaayos ng bulaklak, kulay, pati ‘yung mga ng ugat nila. Nakita ko sa kanila ‘yung pagkakakilanlan at kondisyon nating mga Pilipino — sa aspirasyon nila na abutin ang sinag ng Araw sa taas ng mga puno, ‘yung pagsayaw ng salighayin o symbiotic relationship nila sa isa’t-isa na parang mga tao na tinadhanang magkaroon ng interdependent sociality, at ‘yung katatagan nila mabuhay sa nagbabagong klima.

The artist known for his vivid illustrations of Philippine flora and fauna considers local orchids as his favorite plants. In photo: "Retrato II". Photo courtesy of CHESLEIGH NOFIEL

Napansin ko na kamakailan lamang @alagaatsining na ang ginagamit mong username sa Instagram. Ang ganda ng laro sa mga salitang alagad at alaga. Minumungkahi ng parehong salita na may nais kang protektahan. Sa paggamit ng alagad, pinapabatid nito na ang paraan ng pagprotekta ay maaaring tumutukoy rin sa pagdepensa. Gayundin, sa paggamit ng salitang alagad, parang kinakailangan mong maging alerto sa lahat ng panahon. Sa kabilang banda, ang salitang alaga ay mas banayad. Para bang walang pag-aalala.

Sa totoo lang talaga! Dati kasi ay nasa fawning survival mode pa ako dahil sa bitbit kong bagahe ng troma. Palaging alerto sa panganib, nakadepensa ang kalasag, at kailangan palagi na may dapat akong patunayan to appease and please people dahil sa pakiramdam na hindi ako ligtas at pwede maging “authentic” sa sarili ko, bilang bakla. Lalo na sa paglikha ng sining, ginawa ko talaga itong pagtakas noon sa masakit na reyalidad. Subconsciously, pinoprotektahan ko lang pala ang sarili kong ego o ang false self para mabuhay at para makuha ang pagmamahal at pagtanggap na kailangan ko, bilang tao.

Sa pagharap ko sa interhenerasyong troma at paglalakbay sa paghilom, gamit ang dekolonisasyon para kilalanin at sirain ang sarili ko, at muling buohin ang sarili ko, doon ko pa mas nalaman ang adhikain at prinsipyo ko: para mag-alaga ng sarili at ng kapwa sa paglikha. Mas nakita ko rin sa paghilom ‘yung mga pangunahing ugat ng problema sa mga istraktura natin kung bakit tayo nagkakasakit at nagkakatroma, na bunga lang din ako ng epekto ng kolonyalismo sa mga teritoryo ng ating lupa at diwa. Mayroon tayong krisis sa pag-aalaga at dapat maging protesta ang pag-aalaga. Lalo na sa kasalukuyang kalagayan natin sa pandemya at mga rehimen ng neoliberalismo, white-supremacist, imperyalismo, patriyarkismo, at antroposentrismo na kinokondisyon tayo na hindi maging normal ang pag-aalaga dahil sa lohika nito nang pagsasamantala at pang-aabuso.

In performing rituals, Chesleigh Nofiel reconnects with nature and his true self. In photo: "Ritwal ng Pagbabanyuhay." Photo courtesy of CHESLEIGH NOFIEL

Kakabit ng naunang tanong, ang pagharap sa iyong troma ay naging pangunahing paksa sa iyong gawa. Kailan mo napagtanto na importanteng harapin ang iyong troma?

Ginawa ko ‘to dahil sa nanghihimasok na tanong ko noon palagi sa sarili ko: Para saan ang sining at paglikha ko kung nanggagaling ito sa lugar ng pagkabalisa at sama-ng-loob dahil sa hindi nalutas na troma? Paano kung sumuko muna ako sa nakilala kong pagtakas [sa sining at paglikha] para ilaan lahat ng oras sa paghilom?

Maraming akong takot at hiya na binibibit sa pagkwento nito noon, pero dahil sa tulong ng pananagutan at pagmamalasakit sa sarili ay mas naunawaan ko pa sa paglalakbay ko na normal lang pala itong reaksyon ng isip, diwa, at katawan ko sa troma. Ang mga sugat at troma natin ay lumilitaw sa kamalayan at kasalukuyan para masimulan natin silang malunasan — at wala ng ibang lugar pa ang dapat nating puntahan kundi sa kalooban natin na nagsasabi sa ‘tin na hindi tayo sapat at karapat-dapat.

2018 o 2019 noong mas namulat ako na wala ako sa kasalukuyan at sinasakripisyo ko ang tunay at totoo kong sarili. Araw-araw, tila para akong lumulutang sa labas, at sa loob naman ay ang mga troma na nagmamakaawang makaharap. I was literally emotionally stunted buhat nang pagsugpo ko sa pangkasariang pagkakakilanlan at pagpapahayag ko. Parang halaman sa kahon na uhaw-na-uhaw sa tubig, liwanag, at lupa para magkaroon ng mas malusog na pakikipagugnayan sa ibang mga nilalang.

Ito ‘yung mas nagtulak sa ‘kin para mangako na alagaan at pulutin ang sarili ko nang matugunan ko ang mga pangangailangan ko. Sa pamamagitan ng pagyakap sa lahat ng mga aspeto ng aking sarili, at upang hindi hayaan ang nakaraan kong pagkakondisyon na ma-project sa kasalukuyan ko, at para na rin sirain ‘yung siklo ng interhenerasyong troma dulot ng historical ignorance at invalidation na nakabase sa sekswalidad sa aming tahanan.

Matapos ang ilang buwan, nasa anong stage ka na ng pakikipagtunggali rito?

Noong 2020 ng Abril lang ako nagsimula, at sobrang daming matataas at malalalim na yugto na ang napuntahan ko. Nakamtan ko na ‘yung walang-kondisyong pagtanggap sa sekswalidad ko na matagal ko nang inaasam mula sa pamilya ko at nakapagpatuyo na rin ng mga malalalim na sugat nang hawak-kamay kasama sila. Aktibo akong nagpapabuti at nagrerekondisyon ng sarili dahil ligtas na ang kalagayan ko sa kasalukuyan.

Bukod sa pagpipinta, naging importante rin sa iyong gawa ang performance art sa paraan ng mga ritwal sa kagubatan.

Sa pagbuo ng mga ritwal o sistema, nakapokus ito sa proseso at paglalakbay, at hindi sa destinasyon. Mayroon akong tatlong pangunahing serye ng mga ritwal na ginawa ko na may intensyon para yakapin ang malaya at malikhaing pagtatawid-lagusan ko patungo sa kasalukuyan at walang-katapusang proseso ng paghilom. Naging hantungan ko ito sa pagdiwang at paglinang ng mga pag-aalaga sa sarili na pag-uugali at pananaw.

Dito ko napagtanto na sining pa rin naman ang ginagawa kong radikal na pag-aalaga sa sarili at ephemeral na pagkonekta sa kalikasan, pati na rin ‘yung paghamon sa ideya ko noon sa sining na kinondisyon lang pala ng mga banyaga at ng ilusyon ng kapitalismo na kailangan dapat na nasa papel o canvas, na-o-objectify, at nako-commodify.

Pwede mo bang ikwento kung ano ang mga ritwal na ito?

Una, ritwal ng pagbutas ng tenga. Dati kasi ay kondisyonal ang pagtanggap sa akin ng mga magulang ko, na pwede ako maging bakla pero dapat pasok sa palatuntunan nila ang pagkabakla ko, na hindi kasama doon ang pangkasariang pagpapahayag ko. Sa sagradong prosesong ito, tinangangap na ako nang buo ng mga magulang ko at ‘yung nanay ko na mismo na nagpatanggal ng mga hikaw ko noon ang nagbutas at nagkabit ng mga hikaw ko ngayon.

Pangalawa, ritwal ng pagbabanyuhay. Nakasama ko ang mga magulang ko sa pagdiriwang ng kanilang pagtanggap at pagpaparangal sa akin. Dito, kinabitan nila ako ng mga sagradong dahon ng alibangbang na hugis pakpak ng mga paru-paro bilang talinhaga sa pagbabagong-anyo at simbolo ng kalayaan ko.

Documentation from Nofiel's "Ritwal ng Pagbutas ng Tenga." Photo courtesy of CHESLEIGH NOFIEL

Panghuli, ritwal ng pananambal. Ako mismo ang nagpanganak sa sarili ko sa sagradong katawang-lupa ng gubat ng Arroceros bilang manifestation ng “inner-child” ko. Sa sikolohiya, ito ‘yung aspeto ng inosenteng bata na bahagi pa rin ng diwa natin.

Naging parte ng proseso ko ‘yung espiritwal, emosyonal, at pisikal na paghilom dahil ang troma natin ay mga enerhiya na humaharang sa sisisdlan ng katawan at nervous system natin. Kanlurang-konsepto lang talaga ang ideya na ang paghilom ay pangkaisipan. Dapat holistiko ito dahil naapektuhan nito ang biyolohiya natin.

Nagsimula ako sa paghandog ng alay ng mga pagkain para parangalan ‘yung mga diwata ng Arroceros, sinundan ko rin ito ng pagsayaw ng Pangalay na hango sa mga ritmo at kilos ng halaman at ibon na naobserbahan kong naninirahan sa gubat para hingin ang gabay nila sa gagawin kong paghilom. Sa sining ng acupunture, binuksan ko ‘yung daluyan ng enerhiya sa katawan ko at binuhusan ng tubig na galing sa nanay ko, para linisin nang may basbas at pagmamahal ang katawan ng inner-child ko. Umagos ito sa sahig ng gubat para bigyan ng nutrisyon at pertilidad ang katawang-lupa ng gubat bilang pagpaparangal kay Inang Kalikasan at sa mga babae ng Winner Foundation na nangalaga noon sa Arroceros.

Tinanong ko sa sarili ko, “Ano ba ‘yung mga salita na sana narinig ko noong bata ako mula sa mga magulang at attachment figures ko?” at gumawa ako ng listahan nu’n. Tinapos ko ang ritwal sa pagpaparanas sa inner-child ko ang reparenting na ninais ko, sa pakikinig ng mga apirmasyon mula sa mga kaibigan at sarili ko na mas maaalam at equipped na sa pagpapalaki ng isang kayumangging bakla. Ako na rin ang sarili kong magulang.

Nofiel's "Ritwal ng Pananambal" was conducted at Arroceros Forest Park. Photo courtesy of CHESLEIGH NOFIEL

Bakit sa Arroceros?

Dahil na rin sa pagkasabik ko na pumunta sa mga gubat, at ‘yung Arroceros ang pinakaligtas at pinaka-accessible dahil iilan na lang ang mga luntiang espasyo sa siyudad ng Manila. Nandoon ‘yung “oceanic feeling” na sinasabi ng French philosopher na si Pierre Hadot na ang pakiramdam ay na-a-arrest ‘yung ego sa pagiging isa sa panlabas at pangmalawakan na mundo bilang kabuuan.

Mahalaga ang konsepto ng queer ecology sa mga gawa mo. Pwede mo bang ibahagi kung ano ito?

Nalaman ko ‘to noong kinikilala ko ‘yung morpolohiya at pag-uugali ng mga halaman na marami pala ang bisekswal, at ‘yung mga ferns na mayroong self-determination para baguhin ang kanilang kasarian. Ang queer ecology ay nakabase sa interseksyonalidad ng teorya ng queerness, politika, at environmentalism. Samakatwid, kung ano ang nararanasan ng katawan ng ekosistema natin ay nararanasan din ng katawan ng tao, katulad ng pang-aapi at pag-aalaga.

Sa pagkilala at pagtanggap ko sa queerness ng kalikasan, mas nayakap at nabigyan ko pa ng balidasyon ang aking sekswalidad — na likas at natural ito sa aking pagkatao. Ang aking oryentasyong sekswal, pangkasariang pagkakakilanlan, pangkasariang pagpapahayag, at pati na rin ang aking katawan. Lahat ng natural na nangyayari sa ating katawan katulad din ng lahat ng tumutubong halaman sa hardin, maging ligaw na damo pa ito, ito ay bahagi lamang at bumubuo ng isang malusog na ekosistema.

At katulad ng lahat ng nilalang na kabilang at natural sa kalikasan natin, likas tayo na dapat na makilala at mabuhay. Mayroon tayong karapatan at lahat tayo ay may papel na ginagampanan sa ating ekosistema para makipag-ugnayan at makapagpalaya na naka-angkla sa solidaridad, karampatan, at pagmamalasakit patungo sa luntiang kinabukasan.

Dahil malaki ang bahagi ng katutubong kultura sa iyong sining, paano mo sinisiguro na hindi ka tumatawid sa bakod ng appropriation at fetishization?

Hindi naipasa sa ‘kin sa parehong paraan ang mga tradisyon ng mga ninuno ko, dahil sa kolonisasyon at mga nagdaang kultural na gahum. Kaya tinatanong ko palagi ang sarili ko kung sa paanong paraan ko mapaparangalan nang may respeto at paggalang ang mga kasanayang ito, na may intensyon na kumonekta sa kalikasan, nang hindi laban sa kalikasan.

‘Yung konsepto ng kapwa o “shared-self” natin na sa espesye lang ng tao nakasentro ay produkto lamang ng mga kolonisador sa kanilang antroposentrikong pananaw na bumuo ng pagnanasa at pagsasamantala sa atin. Pwede natin palawakin pa sa lente ng Sikolohiyang Pilipino at kinagisnang paniniwalang Animismo ang konsepto ng kapwa. Na lahat ay may buhay, karanasan, at kapantay natin na dapat natin igalang. Kabilang dito ang mga kapwa-puno, kapwa-hayop, at kapwa-bundok.

Para matutunan, saksihan, at lumikha sa Kultura ng Pagdidiwata ay isang pribilehiyo. Ang pagdiriwang ng katutubong saribuhay sa sining ay pagdiriwang at pagparangal din sa mga komyunidad ng mga katutubo natin, ang kanilang pagkonserba at pagprotekta ng mga kagubatan, kultura, at mga kaalaman, bilang kanilang intellectual property. Bahagi ng appreciation ko ang pag-alam sa hangganan nang dapat kong katayuan mula sa mga minoridad, pagkilala, pag-angat sa kanilang boses, at hindi pagkalimot sa kanilang patuloy na pakikibaka sa ilalim ng kasalukuyang rehimen ng militarisasyon at extractivism.

Bilang artist, ano ang pinakamalaking hamong hinaharap mo?

‘Yung sarili kong ego at precarity.